DISYEMBRE NA PALA

 DISYEMBRE NA PALA

ni Agos Baltazar
Ika-1 ng Disyembre, 2020

Nananahimik ka, nangangarap;
Nakatingi't inaabot ang alapaap;
Nakangiti't dinadama ang pagyakap;
Nakabibinging pagsabog ang nasagap.

Oo, biglaan.

Pinaulanan ka ng takot, pinagtakip ka ng ilong;
Pinunlaan ka ng kabang nagpahakbang sa iyo paurong;
Tila isang paniginip nang paliguan ka ng abo;
Iniiwasang malanghap dahil manganganib kayo.

Oo, digmaan.

Wala ka namang kalaban pero kailangang maghanda;
Nandaraya na ang lahat sa kalagitnaang pagbanta;
Isang sakit na kapag kumalat ay lalong lalala;
At ito ay tinawag na PANANAMANTALA.

Oo, hidwaan.

Doon nagsimulang hanapin ang wala;
At ang mga kumikilos ay nababalewala;
Ang mga inosente ang nakatanikala;
At hinahayaan ang mga pariwara.

Oo, tindahan.

Ang lahat ay binibili, walang libre;
Maging ang pakikisama at pagiging ligtas;
Kaya ikaw ay isang tunay na inosente;
Kapag ikaw din ang gumawa ng dahas.

Ilang buwan kang dumanas ng takot;
Ilang yaman ang nakamkam at nahakot;
Ilang galit ang nag-init na bumalot;
Sa ilang taong ang nais lamang ay pumalaot.

Mga karanasang hindi naman normal;
Ngunit pinipilit sa ating iparanas;
Tila itinulak ka sa isang portal;
Na karaniwan lang ang mga ahas.

Nakalimutan mo ang pangarap;
Nagdilim ang mga ulap;
Wala ka pa ngang nakakalap;
Binagyo na ang pagsisikap.

Ang lahat ng nangyari ay biglaan;
Tulog ang lahat nang may digmaan;
Sinindihan ang mitsa ng hidwaan;
At nagdamot ang mga tindahan.

Nangyari ang lahat;
Wala kang napala;
At sa iyong pagmulat;
Disyembre na pala.

Haraya

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

POSIBLE KAYA?